Anim na Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) sa Romblon ang nagtapos sa Kaagapay sa Negosyo Program ng Department of Trade and Industry (DTI) – Mimaropa at SGS Philippines, Inc. na dinaluhan ni DTI Regional Director Joel Valera bilang panauhing pandangal.
Ang mga MSMEs dito sa lalawigan na nagtapos sa pagsasanay ng SGS Philippines ukol sa implementasyon ng Philippine Traceability System (PTrace) at Food Safety Implementation Workshop ay mga sumusunod: Soyami Food Products, Julia Food Products, Association of Swine and Poultry Raisers of Odiongan, PhilAgrivest, Inc., Starvy Ice Cream and Frozen Delights at Santa Maria Food Processors Association.
Ayon kay Orville Mallorca, provincial director ng DTI – Romblon, sa ilalim ng progamang nabanggit ay naturuan ang mga MSME’s dito sa lalawigan na gumawa ng mga talaan at dokumento hinggil sa produksyon, pagpoproseso at distribusyon ng kani-kanilang produkto.
Mahalaga aniya ang PTrace para sa mga MSMEs dahil kapag magkaproblema sa sangkap na raw material ng isang produkto ay madaling malalaman kung sino ang supplier nito.
Matatandaan na ang SGS Philippines ang nakomisyon ng DTI para suriing mabuti ang mga food products sa rehiyong Mimaropa upang masigurong ligtas itong gamitin o kainin.
Sinaksihan din ang naturang graduation ceremony ng mga kawani ng SGS Philippines at DTI Romblon na ginanap kamakailan sa Harbour Chateau Hotel, Odiongan, Romblon. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)