Patuloy umano ang unti-unting paglipat ng probinsya Romblon mula sa diesel powered energy source patungo sa renewable energy source, ayon sa general ng manager ng Tablas Island Electric Cooperative (Tielco) sa ginanap na ‘Bayduhan ag Badawan’, isang forum patungkol sa renewable energy nitong Huwebes, March 21.
Ayon kay Engr. Orville Ferranco, GM ng TIELCO, posibleng sa susunod na buwan ay maging operational na ang solar power plant na itinayo ng Sunwest Water and Electric Co. Inc. (SUWECO) sa bayan ng Odiongan.
“Ito ay 7.5 megawatts na solar power plant at kaya itong mag generate ng hanggang 5.1 megawatts na kuryente sa umaga na pwedeng magamit ng buong Tablas Island,” ayon sa tulampati ni Engr. Ferranco.
Ang nasabing proyekto ng SUWECO at TIELCO na renewable energy ay bahagi umano ng 15 years na kontrata ng dalawa kung saan ang kuryente ng Tablas Island, Romblon ay dapat 35% renewable at 65% diesel.
Sa ngayon, umaabot na umano ng 7.7 megawatts ang ginagamit na kuryente ng buong Tablas Island tuwing peak time o mula alas-7 hanggang alas-9 ng gabi.
Sa isla naman ng Romblon, ginagamit na ng Romblon Electric Cooperative Inc. (ROMELCO) ang 900 kilowatts na kuryente mula sa kanilang bagong tayong wind turbines na pinasinayaan nitong nakaraang buwan palang.
Sa talumpati ni Wilson Fortaleza, organiser ng nasabing forum, ang Sibuyan Island umano ay halos may 100% renewable energy source na dahil sa kanilang hydroelectric power plant na nakatayo sa Cantingas River habang solar power plant naman ang ginagamit na renewable energy sa Cobrador Island sa Romblon, Romblon.
Meron na rin umanong mga electronic vehicles na nilagay ang Honda Motor Company sa Romblon, Romblon para mabawasan ang carbon footprint sa isla.
Ang nasabing forum ay dinaluhan ng mga estudyante mula sa College of Engineering and Technology at Institute of Information and Technology ng Romblon State University Main Campus, mga bisita mula sa TIELCO, ROMELCO, Local Government Unit ng Odiongan, at Sunasia Energy, Inc.