Tatlo katao sa Corcuera, Romblon ang naaresto ng mga tauhan ng Corcuera Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Inspector John Anthony Angio matapos maaktuhang naglalaro ng sugal na ‘tong-its’.
Kinilala ni Inspector Angio ang tatlo na sina Nonita Mazo Falcunaya, 56; Renato Ulayao Montero, 66; at Raspe Solis Fruelda, 30, pawang mga residente ng Barangay Mabini.
Nakatanggap umano ng sumbong ang pulisya nitong umaga ng Sabado na may nagaganap na illegal gambling sa Barangay Mabini kaya agad itong tinungo ng mga kapulisan hanggang sa maaktuhan nila ang tatlo sa bahay ni Falcunaya na naglalaro ng tong-its.
Nakuha sa tatlo ang isang deck ng playing cards, at bet money na nagkakahalaga ng P90.00.
Nakakulong na ang tatlo sa Corcuera Municipal Police Station at maaring maharap sa paglabag sa Presidential Decree No. 1602.
Wala pang pahayag ang tatlong naaresto.