Ayon sa website ng PhilHealth, ang mga sumusunod ay saklaw ng ‘benefit coverage’ nito:
1. Pagka-confine sa ospital: Aabonohan ng Philhealth ang kwarto, gamot, laboratoryo, operasyon, at bayad sa doktor sa pagka-confine sa ospital na hindi kukulangin ng 24 oras. Ang mga benepisyo sa pagka-confine ay nakadepende sa uri ng sakit at sa uri ng ospital. May budget lang rin ang pag-abono sa araw-araw. Halimbawa, ang budget sa kwarto ay hindi lalambas ng 300 hanggang 1100 sa isang araw. Ang budget sa gamot, para sa buong pagkaka-confine, ay mula 2700 sa pinaka-simpleng mga sakit at 40,000 sa mga malala o Case Type D.
2. Mga operasyon at gamutan na hindi kelangang i-confine. Kabilang dito ang mga operasyon, dialysis, chemotheraphy at radiotherapy para sa kanser, sa mga akreditadong mga klinika at ospital.
3. May mga karamdaman na nakapaloob sa tinatawag na “Case Rates” ng PhilHealth; ibig-sabihin, may naka-talagang halaga na ibibgay sa mga sakit na ito. Halimbawa, P8,000 para sa dengue, P14,000 para sa typhoid, P8,000 para sa normal na panganganak, P30,000 sa pagtanggal ng matris, at P16,000 sa operasyon ng katarata.
4. Gamutan para sa TB sa pamamagitan ng DOTS.
5. Mga epidemiko gaya ng SARS, bird flu (avian influenza), at A(H1N1)
6. Nakapaloob sa “Z Benefit”, mga grabeng kanser gaya ng Acute Lymphocytic Leukemia (ALL), breast cancer o kanser sa suso, at prostate cancer o kanser sa prostata – may naka-talagang halaga rin na ibibgay para dito. Inaasahang madadagdagan pa ang mga ito.
MGA HINDI KASAMA SA BENEPISYO NG PHILHEALTH:
- Ika-lima at susunod pang normal na panganganak
- Mga gamot at kagamitan na hindi kelangan ng reseta
- Gamutan o rehabilitasyon ng pagkalulon sa alak
- Operasyon na pampaganda sa katawan o cosmetic surgery
- Optometric services gaya ng pagpapagawa ng salamin
- Iba pang mga gamutan ayon sa PhilHealth
Original Article: KalusuganPH