Tupok na tupok ang isang lumang bahay na pagmamay-ari ni Nory Balaquer Anastacio, 52-years old, sa Barangay Panique bayan ng Odiongan, Tablas Island, Romblon pasado ala-una ng hapon ngayong araw.
Nasunog ang dalawang palapag na bahay ni Anastacio na gawa sa semento at kahoy sa hindi pa alam na dahilan.
Kwento ni Anastacio, nasa sala umano sila lahat ng may marinig na malakas na pagsabog sa isa sa mga kwarto sa ikalawang palapag ng bahay. Napansin nilang may malaki ng apoy kaya nagsitakbuhan sila palabas ng bahay para na rin umano sa kanilang kaligtasan.
Agad namang nagpatawag ng tulong ang pamilya sa Bureau of Fire Protection-Odiongan at sa Odiongan Municipal Police Station upang magbaka sakaling ma isalba pa ang bahay.
Idineklarang fire out ang sunog ng BFP-Odiongan pasado alas-2 ng hapon.
Ayon sa paunang imbestigasyon, nagkakahalaga ng aabot sa 700,000 pesos ang kabuang damage ng sunog dahil kasamang nasunog ang isang motorsiklo at isang bisekletang naka park sa tabi ng bahay.
Nasunog rin ang katabing bahay nito ngunit naagapan kaya hindi na kumalat.