by Philippine Information Agency | Wednesday, 09 December 0215
Tiniyak ng Department of Health – Mimaropa (DOH-Mimaropa) na magpapatuloy ang kanilang mga ginagawang biglaang drug test sa mga pasilidad nila sa rehiyon.
Ayon kay DOH-Mimaropa Regional Director Eduardo Janairo, nais nilang makasiguro na walang nagdrodroga sa mga ospital o health facility para kaligtasan ng kanilang mga kasama at mga pasyente.
Ginawa ni Director Janairo ang pahayag kasunod ng isang random drug testing sa Ospital ng Palawan sa Puerto Princesa nitong Huwebes.
Ang pagsasagawa ng suprise drug testing ay bahagi ng Dangerous Drug Abuse Program ng DOH. Nagbabala si Director Janairo na ang paggamit ng ilegal na droga ay maaring magdulot ng pinsala sa katawan, sa pag-iisip at maging sa pamayanan.
Aniya, apektado ng iligal na droga ang may katawan pati ang mga kanyang mga minamahal at mga nakapaligid sa kanya. Nangunguna ngayon ang damo o marijuana at ang shabu sa mga inaabusong droga sa Pilipinas. Nagsimula ang biglang drug testing sa Palawan sa unang linggo ng Nobyembre.
Bago sa Ospital ng Palawan, may 224 kawani sa Culion Sanitarium at 436 sa Coron ang sumailalim sa drug test.
Kabilang sa mga sinuri sa Coron ay mga kawani ng Municipal Health Service, ng Waste Management, mga waiter at pati mga bangkero.
Sa unang linggo din ng Nobyembre sinuri ang may 215 health personnel sa Lubang, Occidental Mindoro.
Ayon kay Director Janairo, ang pagsuri sa ihi ay isang madali, epektibo at mapagkakatiwalaan paraan para matukot ang mga gumagamit ng iligal na droga.