Plano ng lokal na pamahalaan ng Santa Fe, Romblon na magtayo ng bypass road sa likod ng munisipyo upang mapabuti ang daloy ng trapiko sa bayan, ayon kay Mayor Asher Visca.
Nagpasalamat naman ang alkalde kay Marivilla Montesa, isang retiradong nurse sa Amerika na tubong Santa Fe, sa pagkakaloob nito ng humigit-kumulang 1,190 square meters na lupa na gagamitin bilang right of way para sa nasabing proyekto.
Ayon kay Visca, naghahanda na ang lokal na pamahalaan ng supplemental budget na gagamitin sa pagpapatambak sa mababang bahagi ng lugar upang maihanda ito para sa konstruksyon ng bypass road.
Inaasahang maipagpapatuloy ang proyekto sa susunod na taon sa pamamagitan ng posibleng pondo mula sa General Appropriations Act (GAA) o Local Government Support Fund (LGSF).
Ayon kay Visca, tinatayang aabot sa ₱25 milyon ang kinakailangang pondo upang maisakatuparan ang proyekto, na layong makatulong sa pagpapagaan ng daloy ng trapiko sa bayan.


























