Nakiisa ang Magdiwang National High School (MNHS) sa paggunita ng National School Safety Week 2026 sa pamamagitan ng isang programa at flag-raising ceremony na nagbigay-diin sa kahalagahan ng kaligtasan sa paaralan.
Dinaluhan ang aktibidad ni Magdiwang Mayor Noel Joseph Marin Machon, kasama ang mga kinatawan ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), Barangay Local Government Unit (BLGU), at ang General PTA President ng paaralan.
Sa kani-kanilang mensahe, binigyang-diin ng school principal at ni Machon ang kahalagahan ng pagtutulungan ng paaralan, pamahalaan, mga magulang at iba pang sektor ng komunidad upang matiyak ang ligtas at maayos na kapaligiran para sa mga mag-aaral.
Nagtapos ang programa sa paglagda ng mga dumalo sa School Safety Commitment Wall, bilang simbolo ng kanilang pakikiisa at pangakong suportahan ang mga hakbang para sa pagpapanatili ng kaligtasan sa loob ng paaralan.
Sa pamamagitan ng aktibidad, muling binigyang-pansin ang papel ng bawat sektor sa paglikha ng isang ligtas na kapaligiran kung saan maaaring makapag-aral nang maayos ang mga mag-aaral.


























