Inaprubahan ng Sangguniang Bayan ng San Agustin ang isang resolusyon na humihimok sa lokal na pamahalaan ng San Agustin na magpatupad ng mga hakbang sa paghahanda, mitigation at contingency planning bilang tugon sa El Niño at sa mga posibleng epekto nito.
Layunin ng resolusyon na palakasin ang kahandaan ng munisipyo sa mga posibleng suliraning dulot ng matagal na tagtuyot, partikular sa suplay ng tubig, agrikultura at iba pang sektor na maaaring maapektuhan.
Sa pamamagitan ng maagap na pagpaplano at koordinasyon ng mga kinauukulang tanggapan, inaasahang mapalalakas ang kakayahan ng lokal na pamahalaan na tumugon sa mga hamong maaaring idulot ng El Niño.
Binigyang-diin din ng hakbang ang kahalagahan ng paghahanda upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga residente ng San Agustin at mabawasan ang posibleng epekto ng matagal na kakulangan sa ulan sa komunidad.


























