May sarili nang ambulansya ang San Jose District Hospital (SJDH) sa Isla ng Hambil matapos laanan ng pamahalaang panlalawigan ng bagong ambulansya bilang bahagi ng pagpapalakas ng serbisyong medikal sa Romblon.
Ayon kay Gov. Trina Firmalo-Fabic, walang sariling ambulansya ang ospital kaya isinama sa budget ang pagbili ng sasakyan na magagamit sa pagdadala at paglilipat ng mga pasyenteng nangangailangan ng agarang atensiyong medikal.
Inaasahang makatutulong ang ambulansya sa pagpapabilis ng pagtugon sa mga emergency at sa mas maayos na transportasyon ng mga pasyente sa isla.
Kasabay nito, naglaan din ang pamahalaang panlalawigan ng isa pang ambulansya para sa Tablas Island District Hospital (TIDH) sa San Agustin, na nagsisilbing receiving hospital para sa mga pasyenteng inililipat mula sa iba pang isla bago dalhin sa Romblon Provincial Hospital.
Ang dalawang bagong ambulansya ay bahagi ng mga hakbang upang mapalakas ang kakayahan ng mga pampublikong ospital na maghatid ng serbisyong pangkalusugan sa mga residente ng lalawigan.


























