Itinutulak ni Congressman Eleandro Jesus Madrona ang panukalang gawing Romblon State Polytechnic Institute ang Romblon National Institute of Technology (RNIT) upang mapalawak ang oportunidad sa edukasyon at trabaho para sa mga Romblomanon.
Sa maiden episode ng Ulat Sa Lalawigan, ibinahagi ni Madrona na makatutulong ang panukala sa mga nais makapag-aral ngunit walang sapat na kakayahang pinansyal upang makapasok sa regular na kolehiyo.
Ibinahagi ng kongresista na noong mga unang taon niya sa Kongreso, inimbitahan siya sa Alcantara National Trade School, na kilala na ngayon bilang RNIT. Doon niya nakita ang pagkakataong makatulong sa mga residente na nais matuto ngunit hindi kayang tustusan ang gastusin sa kolehiyo.
Binigyang-diin niya na maaari ring makakuha ng trabaho o pagkakakitaan sa pamamagitan ng mga maikling kurso at praktikal na pagsasanay.
“Matuto ng short courses at pagkakakitaan immediately,” ani Madrona, na hinikayat ang mga Romblomanon na samantalahin ang mga kursong makatutulong sa kanilang paghahanapbuhay.
Kabilang sa mga kasanayang binanggit niya ang mechanical work, welding at electrical technology, na may mga oportunidad sa Pilipinas at ibang bansa.
Ikinuwento rin niya ang kanyang karanasan sa pagtatrabaho sa Saudi Arabia, kung saan aniya ay may pangangailangan sa mga skilled worker, kabilang ang mga may espesyalisasyon sa TIG welding.
Kinilala rin ni Madrona ang tulong ng Technical Education and Skills Development Authority sa pagbibigay ng skills training at livelihood programs, gaya ng food processing at bread and pastry production.
Binigyang-pansin din niya ang pangangailangang matulungan ang mga dating estudyante at trainees ng Alcantara National Trade School at RNIT na makakuha ng National Certificate (NC) upang mapalakas ang kanilang kwalipikasyon sa paghahanap ng trabaho.


























