Nagsagawa ng turnover ceremony ng mga tablet mula sa Khan Academy para sa mga pampublikong paaralan sa Romblon bilang bahagi ng mga hakbang upang mapalawak ang paggamit ng digital learning resources sa mga mag-aaral.
Dumalo sa aktibidad ang mga kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon, Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) na pinangunahan ni Schools Division Superintendent Roger Capa, mga opisyal ng munisipyo at barangay, at mga kinatawan ng Khan Academy.
Gagamitin ang mga ipinamahaging tablet bilang karagdagang kagamitan ng mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral, partikular sa paggamit ng mga digital learning resources ng Khan Academy.
Sa pamamagitan nito, inaasahang madaragdagan ang access ng mga mag-aaral sa mga materyales at iba pang oportunidad para sa digital learning.
Nagsimula ang ugnayan ng Khan Academy sa Romblon noong nagsisilbi pa bilang mayor ng Odiongan ang kasalukuyang Gobernador ng Romblon na si Trina Firmalo-Fabic.
Mula sa mga unang hakbang ng programa, umabot na sa mahigit 30 paaralan sa lalawigan ang naging benepisyaryo nito.
Patuloy na isinusulong sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pamahalaan, mga paaralan, pribadong sektor at mga organisasyong pang-edukasyon ang paggamit ng teknolohiya bilang karagdagang suporta sa pagkatuto ng mga kabataang Romblomanon.

























