Nagpaabot ng pagkilala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga guro sa buong bansa kasabay ng pagdiriwang ng National Teachers’ Day nitong October 5, at binigyang-diin ang mahalagang papel ng mga ito sa paghubog sa kinabukasan ng bansa.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Marcos na nasa puso ng bawat silid-aralan ang mga guro na gumagabay sa mga kabataang Pilipino sa kanilang pagkatuto, pagtuklas sa kanilang kakayahan at pagsisikap na maabot ang kanilang mga pangarap.
“Every classroom carries within it the promise of our country’s future. It is where young minds learn to question, discover, and dream of what they may one day achieve,” pahayag ng Pangulo.
Binigyang-diin din niya na higit pa sa pagtuturo ng mga aralin ang impluwensiya ng mga guro dahil sa pagtulong nilang matuklasan at malinang ng mga bata ang kanilang potensiyal, nakatutulong din silang hubugin ang uri ng lipunang maaaring mabuo ng bansa.
Kinilala rin ng Pangulo ang mga sakripisyong kaakibat ng propesyon ng pagtuturo at hinikayat ang patuloy na pagsisikap na makalikha ng kapaligirang makatutulong sa mga guro na maisagawa ang kanilang tungkulin at sa mga mag-aaral na matuto nang may kumpiyansa at pag-asa.
Hinimok ni Marcos ang mga guro na ipagpatuloy ang paghubog sa mga Pilipinong “discerning in thought, principled in action, and mindful of the common good.”
Tiniyak din ng Pangulo na patuloy na susuportahan ng kanyang administrasyon ang mga guro sa pagtugon sa mga nagbabagong pangangailangan ng edukasyon at paghahanda sa mga paaralan para sa mga hamon na haharapin ng susunod na henerasyon.
“Rest assured, this government stands with our educators and nurtures a Bagong Pilipinas where every teacher is given the power to become a source of hope and strength for our children and nation,” ani Marcos.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, sinabi ng Pangulo na ang mga buhay na nahuhubog at naaabot ng mga guro ang mananatiling pinakamahalagang pamana nila sa sambayanang Pilipino.


























