Nagsagawa ng mga talakayan at plenary session para sa pagpapalawak ng kaalaman at oportunidad sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan sa isinagawang Provincial Farmers and Fisherfolks Congress nitong October 2 sa Simple Living Hotel, Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon.
Pinangunahan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAG) ang kongreso na may temang “Parangal sa Sipag at Katatagan: Magkasaka at Mangingisda, Nagkakaisa tungo sa Masagana at Maunlad na Romblon,” na naglalayong talakayin ang mga programa at serbisyong maaaring makatulong sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura at pangisdaan.
Kabilang sa mga nagbigay ng lecture ang mga kinatawan mula sa Land Bank of the Philippines Lending Center, Department of Agriculture (DA) AMAS MIMAROPA, at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Provincial Field Office Romblon.
Tinalakay sa mga plenary session ang financial literacy at access to credit para sa mga magsasaka at mangingisda, mga oportunidad sa marketing at enterprise development, gayundin ang mga programa at oportunidad para sa sektor ng pangisdaan.

Dumalo sa aktibidad sina Governor Trina Alejandra Q. Firmalo-Fabic, Municipal Mayor Roger Q. Fodra at Provincial Board Member Ricmel F. Falqueza, na siyang tagapangulo ng komite sa agrikultura ng Sangguniang Panlalawigan.
Kasabay ng kongreso ang awarding ceremony na kumilala sa mga natatanging samahan ng mga magsasaka at mangingisda sa antas munisipal at panlalawigan, gayundin sa mga nangungunang Municipal Agriculture and Fishery Council (MAFC) at Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Council (MFARMC).


























