Pinaiksi ng Malacañang ang oras ng trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan sa September 28, 2026 (Monday) upang mabigyan ng pagkakataon ang mga government employees at kanilang pamilya na makilahok sa paggunita ng 34th National Family Week.
Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 136, suspendido ang trabaho sa mga tanggapan at instrumentalities ng Executive branch simula 1 p.m. sa nasabing araw. Saklaw nito ang mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) at state universities and colleges (SUCs).
Inilabas ang memorandum alinsunod sa Proclamation No. 60, series of 1992, na nagtatakda sa huling linggo ng Setyembre bilang Family Week, at Proclamation No. 326, series of 2012, na nagdedeklara sa ikaapat na Lunes ng Setyembre bilang “Kainang Pamilya Mahalaga” Day.
Gayunman, magpapatuloy ang operasyon ng mga ahensyang may tungkuling maghatid ng basic at health services, disaster at calamity preparedness and response, at iba pang mahahalagang serbisyo upang matiyak ang patuloy na paghahatid ng kinakailangang serbisyo sa publiko.
Hinimok din ang mga government workers sa Executive branch na suportahan ang mga programa at aktibidad kaugnay ng paggunita ng 34th National Family Week na isinusulong ng National Committee on the Filipino Family.
Hinikayat naman ng Malacañang ang iba pang sangay ng pamahalaan, independent commissions and bodies, gayundin ang pribadong sektor, na isaalang-alang din ang pagsususpinde ng trabaho upang mabigyan ang mga pamilyang Pilipino ng pagkakataong makilahok sa selebrasyon.
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang memorandum noong September 16, 2026.



































Discussion about this post