Kabilang ang Romblon sa mga lugar na inaasahang makakaranas ng 50 hanggang 100 millimetro ng pag-ulan mula tanghali ng Miyerkules, September 9, hanggang tanghali ng Huwebes, September 10, dahil sa patuloy na umiiral na Southwest Monsoon o Habagat.
Batay sa Weather Advisory No. 63 ng PAGASA na inilabas alas-11 ng umaga nitong September 7, inaasahang magiging malakas ang pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa sa mga susunod na araw.
Para sa panahon mula Wednesday noon hanggang Thursday noon, kabilang ang Romblon sa mga lalawigang maaaring makatanggap ng 50-100 mm na ulan, kasama ang Aurora, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija, Bulacan, Metro Manila, Rizal, Cavite, Batangas, Laguna, Quezon, Oriental Mindoro, Marinduque, Palawan, Camarines Sur, Albay, Aklan at Antique.
Mas mataas pa umano ang maaaring maging dami ng ulan sa mga bulubundukin at matataas na lugar.
Nagbabala rin ang PAGASA na maaaring lumala ang epekto ng pag-ulan sa ilang lugar dahil sa naunang naipong ulan o significant antecedent rainfall.
Pinayuhan naman ang mga tanggapan ng Disaster Risk Reduction and Management sa mga apektadong lugar na magsagawa ng kinakailangang hakbang upang maprotektahan ang buhay at ari-arian.
Maaari ring maglabas ang PAGASA Regional Services Divisions ng Heavy Rainfall Warnings, Thunderstorm Advisories at iba pang severe weather information depende sa kondisyon sa kani-kanilang lugar.
Kung walang malaking pagbabago sa lagay ng panahon, nakatakdang ilabas ang susunod na Weather Advisory alas-5 ng hapon ngayong September 7.


































Discussion about this post