Nagpaalala ang Romblon Provincial Health Office (PHO) sa publiko na maging mas alerto laban sa dengue ngayong panahon ng tag-ulan, kung kailan maaaring dumami ang mga lugar na pinamumugaran ng lamok.
Hinikayat ng PHO ang mga residente na panatilihing malinis ang kanilang kapaligiran at agad na alisin ang mga naipong tubig sa mga lalagyan, kanal, paso, gulong at iba pang lugar na maaaring pamugaran ng lamok na nagdadala ng dengue.
Pinayuhan din ang publiko na protektahan ang kanilang sarili at pamilya sa pamamagitan ng paggamit ng mosquito repellent at pagsusuot ng damit na may mahabang manggas, lalo na sa mga lugar na posibleng may presensya ng lamok.
Kabilang sa mga sintomas na dapat bantayan ang lagnat, pananakit ng ulo at katawan, at pagkakaroon ng pantal.
Ayon sa PHO, kapag nakararanas ng mga sintomas, mahalagang huwag mag-self-medicate at agad na kumonsulta sa pinakamalapit na health center o doktor upang masuri at mabigyan ng angkop na atensyong medikal.
Samantala, nagbabala rin si Cajidiocan Mayor Marvin Ramos sa pagtaas ng kaso ng dengue sa kanilang bayan.
Ayon kay Ramos, halos punuan na ang ospital sa Cajidiocan dahil sa dami ng mga pasyente at kabilang sa mga karaniwang dahilan ng pagkaka-confine ay dengue. Mahigit 10 kaso umano ang natukoy sa loob lamang ng isang linggo, karamihan ay mula sa Sugod at Poblacion.
May mga naiulat na rin umanong kaso sa Magdiwang at San Fernando.
Dahil dito, magpapatawag ang LGU Cajidiocan ng biglaang pagpupulong ng Health Board ngayong linggo at magsasagawa rin ng fogging activity sa mga barangay at paaralan sa susunod na linggo, katuwang ang mga barangay officials.
Nanawagan si Ramos sa mga residente na makiisa sa araw-araw na paglilinis ng kanilang mga bakuran at komunidad upang makatulong na mapigilan ang patuloy na pagdami ng kaso ng dengue.



































Discussion about this post