Planong magtatag ang Department of Trade and Industry (DTI) Romblon ng mga One Town One Product (OTOP) Hub sa mga pangunahing daungan sa lalawigan upang mapalawak ang merkado ng mga lokal na produkto.
Ibinahagi ni DTI Romblon Provincial Director Orville Mallorca ang plano sa 2026 Social Enterprise Week sa Odiongan, kung saan tinalakay din ang mga programa at serbisyong inilaan ng ahensya para sa mga lokal na negosyante at social enterprises.
Ayon kay Mallorca, layunin ng mga OTOP Hub sa mga daungan na magsilbing pamilihan at lugar ng pagpapakilala ng mga produktong gawa sa Romblon sa mga biyahero at turista.
Mayroon nang OTOP Hub sa Odiongan, katuwang ang lokal na pamahalaan, at sa San Agustin Terminal Port, katuwang naman ang pamahalaang bayan ng San Agustin.
Kabilang sa iba pang suporta ng DTI ang pakikipagtulungan sa Design Center Philippines para mapahusay ang disenyo at kalidad ng mga produkto. Tinutulungan din ng ahensya ang mga negosyante sa promosyon sa pamamagitan ng online platforms at OTOP Hubs kapag handa na ang kanilang mga produkto para sa merkado.
Ibinahagi rin ni Mallorca ang planong maglaan ng booth o exhibition para sa mga kwalipikadong social enterprises sa Odiongan sa susunod na taon, alinsunod sa pamantayan at assessment ng ahensya.
Patuloy ding isinusulong ng DTI ang Youth Entrepreneurship Program at mga mentorship program katuwang ang iba’t ibang ahensya upang mahikayat ang kabataan na magnegosyo at matulungan ang mga negosyante sa pagbuo ng business plan.

























