Nasa 60 porsiyento na ang completion ng ₱23-milyong access road project sa Sitio Landing, Barangay Tubigon, Ferrol, na pinopondohan sa ilalim ng 2026 Local Government Support Fund (LGSF).
Ayon kay Mayor Christian Gervacio, inaasahang matatapos ang proyekto bago matapos ang 2026.
Noong Oktubre 30, binisita nina Gervacio at Congressman Eleandro Madrona ang konstruksyon upang tingnan ang progreso at matiyak ang maayos na pagpapatupad nito.
May habang humigit-kumulang isang kilometro ang access road na matagal nang hinihiling ng mga residente upang mapabuti ang pag-access at pagbiyahe sa lugar.
Bukod sa proyektong ito, kabilang din sa mga proyektong pinopondohan ng LGSF sa Ferrol ang pagtatayo ng mga school clinic sa Ferrol Central Elementary School at Bunsoran Elementary School, na may kabuuang pondong ₱3,213,600 sa ilalim ng 2025 LGSF.
May tig-₱3,900,169 ding pondo ang mga access road project sa Barangay CM Recto at Hinag-oman. Ayon sa naunang ulat ng Romblon News Network, isinasagawa rin ang konstruksyon ng mga proyektong ito.
Sinabi rin ni Gervacio na bahagi ng LGSF ang ₱7-milyong pondong ginamit ng lokal na pamahalaan para sa pamamahagi ng bigas sa mga residente.


























