Isinusulong ng Department of Science and Technology (DOST) Romblon ang paggamit ng siyensiya, teknolohiya at inobasyon upang matulungan ang mga lokal na negosyo na mapahusay ang kanilang mga produkto, mapabilis ang produksyon at mabawasan ang gastusin.
Ito ang ibinahagi ni Lyn Fruelda, Science Research Specialist II ng DOST Romblon, sa 2026 Social Enterprise Week sa Odiongan.
Ayon kay Fruelda, maaaring gamitin ang simulation at modeling tools upang masuri ng mga ahensya at pribadong sektor ang posibleng epekto ng kanilang mga programa at proyekto sa mga komunidad.
Nagbibigay rin ang DOST ng teknikal na tulong at mga inobasyong maaaring makatulong sa mga pamilya at negosyo na mapabuti ang kalidad ng produkto, mapabilis ang operasyon at mapababa ang pang-araw-araw na gastusin.
Kabilang din sa suporta ng ahensya ang ekspertong payo at impormasyon upang higit na mapalawak at mapagtibay ang mga ideya ng mga lokal na negosyante.
Layunin ng mga programang ito na mapalakas ang kakayahan ng mga social enterprise at lokal na negosyo na tumugon sa pangangailangan ng merkado at makapagbigay ng mas maraming oportunidad sa kabuhayan sa lalawigan.

























