Nilinaw ni Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus Madrona ang pagkakaiba ng responsibilidad ng national at local governments sa pagpapaayos ng mga kalsada, kasabay ng pagtalakay sa pondong inilaan niya para sa mga provincial road project sa lalawigan.
Sa programang Ulat sa Lalawigan, ipinaliwanag ni Madrona na nakabatay sa klasipikasyon ng imprastraktura kung aling pamahalaan ang may pangunahing responsibilidad sa isang proyekto.
Sakop ng pambansang pamahalaan ang national roads, bridges, flood control at water infrastructure; provincial roads naman ang nasa ilalim ng pamahalaang panlalawigan, habang municipal at barangay roads ay responsibilidad ng kani-kanilang lokal na pamahalaan.
“Ang Congressman talaga ay pang-national infrastructure lang. So, national road, national bridges, flood controls at water. Provincial roads, provincial government. Municipal roads, municipal government, at barangay roads, sa barangay ‘yan,” paliwanag niya.
Gayunman, sinabi ni Madrona na patuloy siyang nakikipagtulungan sa gobernador at mga alkalde upang makahanap ng pondo para sa mga pangangailangan ng mga komunidad.
Ipinaliwanag din niyang may mga proyektong maaaring maisama sa ibang klasipikasyon upang mapondohan, gaya ng barangay road na inilalahad bilang access road patungo sa paaralan, o barangay hall na isinasama sa ilalim ng multi-purpose building.
Ayon sa kongresista, naglaan siya ng halos ₱1 bilyon para sa mga provincial road project sa Romblon, sa pakikipag-ugnayan sa pamahalaang panlalawigan. Binanggit niya na bago isulong ang isang provincial road project, humingi siya ng pahintulot at request mula kay Governor Trina Firmalo-Fabic.
Kabilang sa mga proyektong binanggit niya ang mga provincial road sa Sibale at Corcuera; Marigondon Sur at Marigondon Norte; Sta. Fe Road mula Mat-I patungong bayan ng Santa Fe; at kalsada mula Carmen patungong Cawayan. Kasama rin sa mga binanggit ang Agpanabat–Sablayan at Agnaga–Calabogo roads sa bayan ng Romblon.
Sinabi ni Madrona na may mga proyektong hindi pa niya personal na napupuntahan, kaya maaaring hindi pa alam ng ilang residente na kabilang din ang mga ito sa mga pondong inilaan niya.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga opisyal, lalo na ng national at provincial governments, upang maipatupad ang mga proyektong pang-imprastraktura.
“Dahil sa amin ni Governor Trina, hindi kami namumulitika. Kahit ang gusto ng aming kalaban ay pag-awayin kaming dalawa, hindi kami puwedeng mag-away ng ating gobernador. Dahil kapag kami ang nag-away, tingnan ninyo, kawawa ang probinsya,” mensahe nito.


























