Isang negosyante ang inaresto matapos masamsam ng mga awtoridad sa isinagawang search warrant operation sa Sitio Hinaclupan, Barangay Magsaysay, Sta. Fe, Romblon ang tinatayang 39 na bala ng isang 9mm pistol noong umaga ng August 21.
Isinagawa ang operasyon mula alas-6:00 hanggang alas-8:00 ng umaga sa pangunguna ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Romblon Provincial Field Unit, katuwang ang Sta. Fe Municipal Police Station at iba pang law enforcement units.
Ipinatupad ng mga operatiba ang Search Warrant No. 03-2026 na may petsang Agosto 20, 2026, na inilabas ng Executive Judge ng Regional Trial Court Branch 82 sa Odiongan, Romblon, kaugnay ng umano’y paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa isinagawang paghahalughog sa tinutuluyang lugar ng suspek, natagpuan at nasamsam ang mga bala at isang itim na plastic ammunition holder.
Inaresto ang suspek at ipinaalam dito ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto at ang kanyang mga karapatang konstitusyonal, ayon sa mga awtoridad.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG Romblon Provincial Field Unit ang naarestong indibidwal at ang mga nakumpiskang ebidensiya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Inihahanda naman ang kasong paglabag sa Section 28(g) ng Republic Act No. 10591 para sa pagsasampa sa kaukulang tanggapan ng piskal sa pamamagitan ng inquest proceedings.
Itinuturing na inosente ang naarestong indibidwal hangga’t hindi napapatunayang nagkasala sa korte.



































Discussion about this post