Pinasalamatan ni San Agustin Mayor Aaron James Madrona ang Department of Science and Technology (DOST) sa mga science, technology and innovation (STI) initiatives na inilunsad sa bayan para palakasin ang disaster resilience, pangisdaan, turismo at edukasyon.
Kabilang sa mga tampok na proyekto ang Resilient Education Information Infrastructure for the New Normal (REIIN-LokalFi), Solar Energy System (SES) Mini Ice Plant Facility at San Agustin Smart Information, Navigation, and Access Gateway (SASINAG) Tourism Kiosk.
Sa kanyang mensahe sa paglulunsad nitong August 16, kinilala ni Madrona ang DOST at iba pang katuwang sa pagdadala ng mga makabagong teknolohiya sa isang third-class municipality tulad ng San Agustin.
Sinabi ng alkalde na ang mga teknolohiyang ito ay maaaring gamitin upang mapahusay ang serbisyo publiko at mapabuti ang buhay ng mga mamamayan.
Kabilang dito ang SASINAG Tourism Kiosk na nagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga tourist destination, transportasyon, accommodation, lokal na produkto, emergency contacts at public services. Inilunsad ito sa Barangay Hinugusan at may project cost na ₱1.55 milyon.
Binanggit din ni Madrona ang Solar Energy System Mini Ice Plant sa Barangay Carmen, na naglalayong gawing mas sustainable ang operasyon ng pasilidad para sa lokal na sektor ng pangisdaan.
May kabuuang project cost na ₱2.186 milyon ang proyekto at may 16-kVA solar hybrid energy system na may 80-kWh battery storage. Tinatayang 2,038 rehistradong mangingisda sa San Agustin ang makikinabang dito.
Samantala, ang REIIN-LokalFi na ide-deploy sa Barangay Poblacion ay naglalayong magbigay ng access sa verified information at communication services kahit magkaroon ng internet disruption o kalamidad.
Ayon kay Madrona, ipinakikita ng mga proyektong ito na maaaring gamitin ng lokal na pamahalaan ang science, technology at digital innovation bilang bahagi ng mas mahusay na pamamahala.
Kinilala rin niya ang suporta ni Congressman Eleandro Jesus F. Madrona at iba pang katuwang sa pagsusulong ng mga proyekto.
Sinabi ng alkalde na bagama’t isang third-class municipality ang San Agustin, kaya nitong gamitin ang teknolohiya upang mapahusay ang serbisyo sa iba’t ibang sektor.
“Bagaman tayo po ay isang third-class municipality lamang, meron po tayong ganitong klaseng mga teknolohiya at mga tools na magpapa-advance ng ating public service,” ani Madrona.
Hinamon din niya ang mga taga-San Agustin na ipakita sa MIMAROPA at sa buong bansa na maaaring maging modelo ang bayan bilang isang smart at sustainable island municipality.
“Let’s show not just to the province of Romblon but let’s show to the MIMAROPA region, to the whole country of the Philippines, that the municipality of San Agustin deserves to be, needs to be the front-runner to be a smart and sustainable island municipality,” dagdag niya.



































Discussion about this post