Muling naibalik ng Odiongan National High School (ONHS) ang kampeonato matapos patumbahin ang kanilang matinding karibal na Calatrava National High School (CNHS) sa isang makapigil hiningang panalo sa Odiongan Volleyball Star Interschool Volleyball League (OVSIVL) Season 4 sa bayan ng Odiongan.
Agad na nagpakita ng dominance ang ONHS sa pambungad ng laban nang mabilis nilang maibulsa ang unang dalawang set (1st set 25-23), (2nd set 25-15)sa pamamagitan ng matitinding palitan ng spike at maayos na depensa sa net upang makuha ang maagang kalamangan.
Hindi naman basta isinuko ng CNHS ang kanilang korona. Bumuhat ng matinding puntos ang defending champions sa ikatlong set (24-26) upang buhayin ang pag asa sa panig ng Calatrava at maipwersa ang laban sa ikaapat na set.
Sa huling set sumabog ang matinding laban at bakbakan sa court nang magpalitan ng puntos ang dalawang koponan hanggang sa umabot sa (32-30) puntos at serye ng deuce. Sa gitna ng matinding pressure, mas nagpakita ng kalamigan ng ulo at katatagan ang ONHS upang tuluyang tapusin ang laban at maibalik sa kanilang tahanan ang tropeo ng kampeonato.
Matatandaang sa Season 3 ng liga ay nakuha ng CNHS ang kampeonato, kaya naman malaking panghihinayang sa panig ng Calatrava matapos silang kapusin sa huling bahagi ng naturang tapatan.
Samantala, ipinagpatuloy naman ng Looc Furies ng Looc National High School (LNHS) ang kanilang pamamayagpag sa women category matapos maitala ang kanilang back-to-back championship nang lampasuhin ang Erhard Systems Technological Institute (ESTI) Odiongan Campus sa isang dominating at straight sets na panalo 3-0.
Simula pa lamang ng pambungad na set ay hindi na nagpahuli ang Furies nang agad nilang makuha ang momentum ng laro at tapusin ito sa runs na 25-15. Lalo pang pinakita ng LNHS ang kanilang bagsik sa ikalawang set sa skor na 25-14 gamit ang matitinding atake at solidong depensa. Hindi na rin pinadikit ng Furies ang ESTI sa ikatlong set nang tuluyang isara ang serye sa markang 25-12 upang pormal na selyuhan ang kanilang ikalawang sunod na titulo sa liga.

























