Iginiit ng Filipina tennis star na si Alex Eala na ang kanyang makasaysayang kampanya sa 2026 Wimbledon Championships ay tagumpay hindi lamang para sa kanya kundi para sa buong sambayanang Pilipino, kasabay ng kanyang pangakong patuloy na ipagmalaki ang bandila ng Pilipinas sa mga internasyonal na torneo.
Sa isang pagtanggap na inihanda nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at First Lady Louise Araneta-Marcos sa Malacañang, nagpasalamat ang 21-anyos na atleta sa pagkilalang ipinagkaloob sa kanya at sa kanyang pamilya.
Aminado si Eala na mas kinakabahan siyang magsalita sa Malacañang kaysa sa kanyang mga nakasanayang public appearances.
“Maraming pong salamat sa napakagandang pagtanggap sa akin at sa aking pamilya,” ani Eala.
Sinabi niyang hindi niya inakalang darating ang araw na pararangalan siya sa Malacañang at makakatanggap ng pagkilala mula sa Pangulo.
Ayon kay Eala, naging makahulugan ang mga mensahe ni Pangulong Marcos dahil ipinakita nitong kinikilala at pinahahalagahan ang lahat ng kanyang sakripisyo at pagsisikap bilang atleta.
Binalikan din ni Eala ang kanyang naging kampanya sa Wimbledon, kung saan siya ang kauna-unahang Pilipino na umabot sa Round of 16 ng isang Grand Slam singles tournament.
“Sabi nga natin, tagumpay ito nating lahat,” aniya.
Nagpasalamat din siya sa patuloy na suporta ng mga Pilipino sa iba't ibang panig ng mundo, na aniya'y nagsisilbing inspirasyon sa kanyang patuloy na paglalaro.
Muli ring tiniyak ni Eala na saan man siya maglaro ay patuloy niyang dadalhin at ipagmamalaki ang bandila ng Pilipinas.
“I carry the flag with me wherever I go,” ani Eala. “I will continue to represent the Philippines in the best way that I possibly can.”
Kasama ni Eala sa pagtanggap ang kanyang ina na si dating national swimmer Rosemarie Maniego-Eala, ang kanyang ama na si Michael Eala, at ang kanyang tennis agent na si Carter Lin.
Si Eala ang kauna-unahang Pilipinong nagwagi ng junior Grand Slam singles title matapos masungkit ang 2022 US Open Girls' Singles Championship. Nagkamit din siya ng women's singles gold medal sa 2025 Southeast Asian Games at kamakailan ay umakyat sa World No. 28 ng Women's Tennis Association (WTA) rankings—ang pinakamataas na ranggong naabot ng isang Filipina sa kasaysayan ng professional tennis.



































Discussion about this post