Nananawagan ang Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga ahensya ng pamahalaan at iba pang katuwang na palawakin ang Philippine Multisectoral Nutrition Project (PMNP) matapos lumabas sa pinakahuling National Nutrition Survey (NNS) na muling tumaas ang bilang ng mga batang bansot o stunted sa bansa.
Batay sa survey, umakyat sa 25.3 porsyento noong 2025 ang stunting prevalence sa mga batang limang taong gulang pababa, mula sa 23.6 porsyento noong 2023.
Gayunman, nakapagtala naman ng pagbaba sa stunting sa mga batang dalawang taong gulang pababa, mula 22.5 porsyento noong 2023 tungo sa 21.1 porsyento noong 2025. Ayon sa DOH at DSWD, nagpapakita ito na epektibo ang mga programang nakatuon sa First 1,000 Days of Life, ang pinakamahalagang yugto sa paglaki at pag-unlad ng isang bata.
Ipinakita rin ng datos na sa mga munisipalidad na sakop ng PMNP, bumaba ng 4.6 porsyento ang kaso ng childhood stunting at severe stunting mula 2023 hanggang 2025. Sa mga lugar na hindi sakop ng programa, 0.8 porsyento lamang ang naitalang pagbaba.
Bukod dito, naitala rin sa mga PMNP areas ang 94 porsyentong exclusive breastfeeding rate sa mga sanggol na wala pang anim na buwan, pagtaas ng bilang ng mga buntis na nakatatanggap ng antenatal care, mas maraming batang wala pang dalawang taong gulang ang may sapat na nutrisyon, at 100 porsyento ng mga kabahayan ang may access sa malinis na tubig, sanitasyon, at hygiene facilities.
Ayon kay Health Secretary Teodoro J. Herbosa, patuloy na banta ang stunting sa kinabukasan ng maraming batang Pilipino kaya kailangan pang palawakin ang mga napatunayang epektibong programa.
Samantala, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na nagsisilbing “wake-up call” ang pinakahuling resulta ng National Nutrition Survey upang paigtingin ang laban kontra malnutrisyon.
Aniya, napatunayan ng PMNP na epektibo ang multisectoral approach sa pagtugon sa stunting, kaya isinusulong ng DOH at DSWD ang pagpapalawak ng programa sa mas maraming munisipalidad upang matulungan ang bansa na maabot ang target na 15 porsyentong stunting prevalence pagsapit ng 2030.


































