Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang iba't ibang ahensya ng pamahalaan na paigtingin ang kanilang paghahanda kasunod ng pagpasok ng Super Bagyong Inday sa Philippine Area of Responsibility (PAR) noong Miyerkules.
Nanawagan din ang Pangulo sa publiko na manatiling alerto at patuloy na subaybayan ang mga ulat ng panahon habang kumikilos ang bagyo.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), namataan ang sentro ng bagyo sa silangan ng Northern Luzon.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na alinsunod sa direktiba ng Pangulo, nagsagawa na ng paglilinis ng mga drainage system at daluyan ng tubig ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), lalo na sa mga lugar na barado ng basura.
Inihanda rin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga kinakailangang kagamitan, kabilang ang mga truck, backhoe, chainsaw, at iba pang equipment, partikular sa Cagayan Valley, upang magamit sa oras ng kalamidad.
Samantala, sinabi ni Castro na nakapaghanda na rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) bago pa man pumasok ang bagyo.
Ayon sa DSWD, may mahigit 4.7 milyong family food packs na naka-preposition sa iba't ibang bahagi ng bansa. Sa Cagayan Valley pa lamang ay may nakahandang 217,000 family food packs, kabilang ang 23,000 na nakalaan sa Batanes.
Nakahanda na rin ang Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng paglalagay sa alerto ng mga regional offices nito at paglalabas ng Code White upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa anumang health emergency.
Inihanda rin ng DOH ang Health Emergency Response Teams at ang Philippine Emergency Medical Assistance Team (PEMAT) para sa posibleng deployment kung kinakailangan.
Bukod dito, naghanda rin ang ahensya ng contingency plan upang matiyak ang tuloy-tuloy na paghahatid ng mga serbisyong pangkalusugan sa mga maaapektuhang lugar.
Batay sa datos ng DOH, may nakaimbak ding ₱36.6 milyong halaga ng mga gamot, hygiene kits, at cleaning equipment sa iba't ibang bahagi ng bansa bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyo.
Ayon kay Castro, personal ding binabantayan ni Pangulong Marcos ang galaw ng Bagyong Inday at ang magiging sitwasyon nito sa mga susunod na araw.
“Maging alerto at palaging magbantay sa takbo ng panahon,” paalala ng Pangulo sa publiko.



































Discussion about this post