Nilinaw ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato U. Solidum Jr. na ang tinatawag na “The Big One” na matagal nang pinaghahandaan sa Metro Manila ay may inaasahang lakas na magnitude 7.2 at hindi magnitude 7.8 tulad ng kamakailang lindol na tumama sa karagatan malapit sa Sarangani.
Sa isang panayam sa radyo, ipinaliwanag ni Solidum na ang magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa katimugang bahagi ng Mindanao ay nagmula sa offshore area malapit sa Maasim, Sarangani at hindi maaaring manggaling sa West Valley Fault.
Ayon sa kanya, ang magnitude 7.2 na lindol ang itinuturing ng mga eksperto bilang pinakamalakas na posibleng lindol na maaaring manggaling sa West Valley Fault na tumatawid sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.
Sinabi ni Solidum na mas malaki ang magiging epekto ng isang malakas na lindol sa Metro Manila dahil sa mataas na populasyon at dami ng imprastraktura sa lugar.
Batay sa mga pag-aaral, tinatayang mahigit 30,000 katao ang maaaring masawi sa Metro Manila kapag naganap ang isang magnitude 7.2 na lindol. Maaari pa itong madagdagan ng humigit-kumulang 20,000 katao kapag isinama ang mga karatig-lalawigan.
Binanggit din ni Solidum na bukod sa West Valley Fault, isa rin sa mga pinag-aaralang posibleng pagmulan ng malakas na lindol na maaaring makaapekto sa Metro Manila ang Manila Trench.
Samantala, iniulat ng General Santos Seismic Station at Don Marcelino Seismic Station na nakapagtala ng kabuuang 6,233 aftershocks hanggang alas-3 ng hapon ng Hunyo 15 kaugnay ng magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani.
Sa bilang na ito, 1,496 ang na-plot habang 78 ang naramdaman ng mga residente sa mga apektadong lugar.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ang lindol sa Sarangani ay may lalim na 33 kilometro at dulot ng subduction activity sa Cotabato Trench.
Nanawagan naman si Solidum sa publiko na tiyaking sumusunod sa building code ang mga itinatayong gusali at regular na masuri ang mga umiiral na istruktura upang matukoy kung kailangan ang retrofitting o iba pang hakbang para sa kaligtasan.
Pinaalalahanan din niya ang publiko na sundin ang “Drop, Cover, and Hold” procedure sa oras ng lindol upang mabawasan ang panganib ng pagkasugat o pagkamatay.
Samantala, sinabi ni DOST-PHIVOLCS seismologist Bhenz Rodriguez na hindi lamang Metro Manila ang may tinatawag na “Big One,” kundi bawat lalawigan at munisipalidad ay may kani-kaniyang maximum credible earthquake scenario depende sa mga fault line na matatagpuan sa kanilang lugar.
Ayon kay Rodriguez, maaaring makaranas ng Intensity VIII o mapanirang pagyanig ang isang lugar kapag naganap ang pinakamalakas na posibleng lindol mula sa isang aktibong fault sa kanilang nasasakupan.



































Discussion about this post