Inihayag ni Cajidiocan Mayor Greggy Ramos na nakatakdang isunod sa pagbibigay ng ayuda ang mga magsasaka at mangingisda sa bayan, kasunod ng mga naunang benepisyaryo mula sa sektor ng transportasyon.
Ayon sa video message ng alkalde, nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan sa tanggapan ni Congressman Eleandro Jesus “Budoy” Madrona at sa Department of Social Welfare and Development upang maisama ang mga nasa sektor ng agrikultura at pangingisda sa mga susunod na programa ng tulong pangkabuhayan.
Sinabi ni Ramos na kinikilala ng pamahalaang bayan na apektado rin ng pagtaas ng presyo ng gasolina ang mga magsasaka at mangingisda, lalo na ang mga gumagamit ng krudo sa kanilang kabuhayan.
Nilinaw naman niya na ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay ang mga rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), na siyang batayan sa pagpili ng mga makatatanggap ng ayuda.
Pinayuhan din ng alkalde ang mga residente na tiyaking nakarehistro sila sa nasabing sistema sa pamamagitan ng Municipal Agriculture Office o sa kanilang mga samahan upang maisama sa listahan ng mga benepisyaryo.
Sa ngayon, hinihintay pa ang pinal na detalye nito, habang inaasahang mas mapapalawak pa ang saklaw ng tulong ng pamahalaan upang matugunan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa iba’t ibang sektor.



































Discussion about this post