Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga Pilipino na yakapin ang pag-asa, pagkakaisa, at malasakit sa isa’t isa kasabay ng pagdiriwang ng Easter Sunday na hudyat ng muling pagkabuhay ni Hesukristo at pagtatapos ng Semana Santa.
Sa kanyang mensahe, sinabi ng Pangulo na ang pagdiriwang ng Easter ay paalala ng tagumpay ng pag-asa laban sa pangamba at ng panibagong simula sa pamamagitan ng pananampalataya.
Binanggit din niya na ang okasyon ay sumasagisag sa pananaig ng buhay laban sa kamatayan at paghihikayat sa mamamayan na isabuhay ang kabutihan at kolektibong pananagutan sa pagbuo ng mas matatag at nagkakaisang bansa.
Hinimok din ng Pangulo ang publiko na pairalin ang pagkakaisa at malasakit sa kapwa sa harap ng mga hamon, at gawing gabay ang pananampalataya sa pagkamit ng iisang layunin para sa bansa.
Idinagdag pa ni Marcos na ang Easter ay paalala na ang sakripisyo ay may bunga at ang paghihirap ay maaaring magbukas ng panibagong pag-asa. Aniya, dapat dalhin ng mga Pilipino ang diwa ng Easter sa pang-araw-araw na buhay sa pamamagitan ng pagtutulungan, pagkalinga, at pagkakaisa.


































