Nagpahayag ng pagbati at pagkilala si Romblon Representative Eleandro Jesus “Budoy” Madrona sa pagdiriwang ng ika-125 Founding Anniversary ng Lalawigan ng Romblon ngayong Marso 16, 2026.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Madrona ang kahalagahan ng naturang pagdiriwang bilang paalala sa katatagan, pagkakaisa, at tibay ng mga Romblomanon sa pagharap sa iba’t ibang hamon sa kasaysayan.
Ayon sa kongresista, ang pagkakatatag ng lalawigan at ang paglaya nito mula sa digmaan ay nagsisilbing simbolo ng tapang at pag-unlad ng Romblon.
Bukod sa Founding Anniversary, ginugunita rin ngayong taon ang ika-81 anibersaryo ng pagkalaya ng Romblon na ipinagdiriwang tuwing Marso 18.
Binalikan din ni Madrona ang pagpapatibay ng Republic Act 9642, na nagtatakda sa paggunita ng Romblon Foundation Day. Ang batas ay nagmula sa House Bill 2160 na kanyang inakda at nilagdaan bilang batas ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong Hunyo 11, 2009.
Ayon sa kanya, mahalagang pagkakataon ang pagdiriwang upang hindi lamang alalahanin ang kasaysayan ng lalawigan kundi kilalanin din ang mga henerasyong patuloy na nagsusulong ng pag-unlad ng Romblon.
Hinimok din ni Madrona ang mga Romblomanon na patuloy na isabuhay ang mga pagpapahalagang iniwan ng mga naunang henerasyon tulad ng kalayaan, karangalan, at pagkakaisa.
Ipinahayag din ng kongresista ang pasasalamat sa mga nag-ambag sa paghubog ng lalawigan at ang pag-asa para sa mas maliwanag na kinabukasan ng Romblon.


































