Isang 60-anyos na senior citizen ang natagpuang palutang-lutang sa isang ilog sa Sitio Carolina, Barangay Poblacion, Looc, Romblon noong umaga ng Marso 13.
Batay sa impormasyon mula sa pulisya, huling nakita ang biktima bandang alas-8 ng gabi ng Huwebes habang nagpapahinga mag-isa sa gilid ng Carolina bridge. Ayon sa mga nakakita, lango umano ito sa alak nang mga oras na iyon.
Kinabukasan, bandang alas-6:30 ng umaga ng Biyernes, nakita na lamang ang biktima na walang buhay at palutang-lutang sa ilog sa ilalim ng tulay.
Ayon sa police report ng Looc Municipal Police Station, nakitaan ng panlabas na sugat sa likod na bahagi ng ulo ang biktima batay sa paunang pagsusuri. Gayunman, isinasaalang-alang din ng mga awtoridad ang posibilidad ng pagkalunod bilang sanhi ng pagkamatay habang hinihintay ang resulta ng masusing medico-legal examination.
Sinuri na rin ng Provincial Forensic Unit ang lugar ng insidente upang magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon sa nangyaring insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pangyayari.


































