Pinalawak ang kaalaman at kasanayan sa pagsulat ng balita ng mga miyembro ng editorial board at staff ng The Harrow, opisyal na student publication ng Romblon State University (RSU) Laboratory Science High School, sa pamamagitan ng tatlong araw na Seminar and Training-Workshop on Campus Journalism na nagsimula noong Nobyembre 12.
Tinalakay ni Paul Jaysent Fos, Information Center Manager ng Philippine Information Agency (PIA) Romblon, ang News Writing sa pagsasanay na isinagawa sa 3rd Floor Administration Building Function Hall ng RSU Main Campus.

Sa kaniyang talakayan, ibinahagi ni Fos ang mga batayang prinsipyo at pamamaraan sa pagsulat ng balita, kabilang ang wastong pagbuo ng lead, pagpili at pag-oorganisa ng mahahalagang detalye, at malinaw at tumpak na paglalahad ng impormasyon.
Binigyang-diin din sa sesyon ang kahalagahan ng pagiging maingat sa pagkuha at paggamit ng impormasyon upang matiyak na wasto, patas at mapagkakatiwalaan ang mga inilalathalang balita.
Layunin ng tatlong araw na seminar at workshop na higit pang malinang ang kakayahan ng mga miyembro ng student publication sa campus journalism at maihanda silang maging responsable at mapanuring tagapaghatid ng impormasyon sa paaralan at komunidad.


























