Nagsagawa ng price monitoring ang mga kawani ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at Cajidiocan Municipal Police Station (MPS) sa mga gasolinahan sa bayan upang matiyak ang tamang pagpapatupad ng malaking bawas-presyo sa mga produktong petrolyo.
Ayon kay Mayor Greggy Ramos, kasalukuyang iniikot ng mga tauhan ng dalawang tanggapan ang mga gasoline station upang suriin at itala ang kanilang presyo kasunod ng ipinatupad na oil price rollback noong Nobyembre 10.
Batay sa anunsyo ng Department of Energy (DOE), nagpatupad ng bawas-presyo na ₱16.80 kada litro sa gasolina, ₱4.10 sa diesel at ₱3.70 sa kerosene.
Sinabi ni Ramos na matapos ang monitoring ay ilalabas ng lokal na pamahalaan ang paghahambing ng presyo ng mga produktong petrolyo bago ang rollback at ang kasalukuyang presyo matapos ipatupad ang bawas-presyo.
Idinagdag ng alkalde na idudulog niya sa DOE at Department of Trade and Industry (DTI) ang mga gasolinahang mapatutunayang hindi sumusunod sa itinakdang rollback.
Nanawagan din siya sa mga may-ari at operator ng mga gasolinahan sa Cajidiocan na makipagtulungan sa lokal na pamahalaan upang matiyak na naipatutupad nang tama ang pagbabago sa presyo.


























