Inaasahang matatanggap sa Nobyembre 13 ng karamihan sa mga kawani ng pamahalaan, kabilang ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), ang kanilang regular na sahod, year-end bonus at ₱5,000 cash gift.
Alinsunod sa anunsyo ng ilang tanggapan ng pamahalaan, nakatakdang sabay na ipamahagi ang suweldo at mga benepisyo sa Nobyembre 13 bilang bahagi ng maagang pagpapalabas ng year-end benefits ngayong 2026.
Kabilang sa mga nag-anunsyo ng naturang iskedyul ang Manila City Government at Philippine National Police.
Sa ilalim ng patakaran ng Department of Budget and Management (DBM), ang year-end bonus ay katumbas ng isang buwang basic salary batay sa sahod ng empleyado hanggang Oktubre 31, bukod pa sa ₱5,000 cash gift.
Kabuuang ₱82.998 bilyon ang inilaan ng DBM para sa pagbabayad ng year-end bonus at cash gift ng mga kwalipikadong civilian, military at uniformed personnel sa iba't ibang ahensya ng pamahalaan.
Upang maging kwalipikado, kailangang nakapaglingkod ang isang kawani nang hindi bababa sa 120 araw mula Enero 1 hanggang Oktubre 31, 2026, at nananatiling nasa serbisyo hanggang Oktubre 31.
Kabilang sa mga saklaw ng benepisyo ang mga regular, contractual at casual employees, gayundin ang mga kwalipikadong uniformed personnel.
Inaasahang makatutulong ang maagang pagpapalabas ng sahod at year-end benefits sa mga kawani ng pamahalaan sa paghahanda sa kanilang mga gastusin ngayong papalapit ang kapaskuhan.

























