Nagpahayag ng hangaring magtatag ng isang alyansa ang mga state universities and colleges (SUCs) mula sa mga lalawigan at komunidad na pawang nasa mga isla sa bansa, sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) noong Nobyembre 12, 2026.
Layunin ng bubuuing Alliance of Small Island State Universities and Colleges (ASISUC) na palakasin ang pagtutulungan ng mga pamantasan sa larangan ng pananaliksik, extension programs, edukasyon at pagsusulong ng mga patakarang makatutulong sa mga komunidad sa mga isla.
Ang Romblon State University (RSU) ang nagtipon sa mga kinatawang pamantasan at magsisilbing unang coordinating institution ng alyansa.
Dumalo nang personal sa pulong ang mga kinatawan ng Camiguin Polytechnic State College, Marinduque State University, Guimaras State University, Western Philippines University at RSU. Nakiisa naman sa pamamagitan ng Zoom ang iba pang mga SUC.
Binigyang-diin ni RSU President Dr. Merian P. Catajay-Mani ang kahalagahan ng pagkakaisa sa halip na kompetisyon sa pagitan ng mga pamantasan.
“If we will be competing with each other, then we will just weaken even the strongest point that we have. But if we will be helping each other and move as one, we will no longer be a ripple, but we will be a wave,” ani Catajay-Mani.
Sa ilalim ng alyansa, bubuo ang mga miyembro ng magkasanib na research at extension agenda na tututok sa blue economy, climate resilience at kultura ng mga pamayanang isla.
Plano rin nilang magbahagi ng mga guro, mag-aaral at mga programa, gayundin ang sama-samang pagsusulong ng kanilang mga paninindigan sa mga usaping may kinalaman sa polisiya at pondo para sa mataas na edukasyon.
Sa pamamagitan ng ASISUC, hangad ng RSU at mga katuwang nitong pamantasan na magkaroon ng mas malakas na boses ang mga institusyon ng mataas na edukasyon sa mga isla at mapalawak ang kanilang kakayahang tumugon sa mga pangangailangan at hamon ng mga pamayanang kanilang pinaglilingkuran. (PR)


























