Naghahanap ng mga paraan ang lokal na pamahalaan ng Cajidiocan upang palakasin ang industriya ng pagbaboy sa bayan sa gitna ng paghina ng demand at pagdami ng kakompetensiya sa bentahan ng karne.
Isa sa mga hakbang na ipinatutupad ng administrasyon ni Mayor Marvin “Greggy” Ramos ang pagbibigay ng 50 porsiyentong diskuwento sa permit para sa mga mamimiling kukuha ng baboy mula sa mga lokal na magbababoy.
Ayon kay Ramos, nahihirapan ang mga lokal na magbababoy na makahikayat ng mamimili dahil hindi lamang mga produktong mula sa ibang lalawigan ang kanilang kakompetensiya kundi maging ang mga karne na inaangkat mula sa ibang bansa.
“Ang ginawa ko ngang strategy na lang, lahat ng bibili sa amin ay binibigyan ko ng discount sa permit, 50% off,” ani Ramos.
“Matumal talaga itong mga nakaraang mga buwan, mahirap talaga ang buhay. Ramdam na ramdam ko, at bilang Mayor kita na kita ko kung gaano nag-slow down yung economy natin,” dagdag niya.
Inaasahan naman ng alkalde na tataas ang demand sa lokal na baboy pagsapit ng Disyembre dahil sa karaniwang pagdami ng mga mamimili at pangangailangan sa karne tuwing kapaskuhan.
Nauunawaan din ni Ramos ang panawagan ng ilang lokal na magbababoy na bilhin ng pamahalaan ang kanilang mga alagang hayop upang magkaroon sila ng kita. Gayunman, sinabi niyang may limitasyon ang lokal na pamahalaan sa naturang hakbang dahil sa mga umiiral na batas.
Bilang pangmatagalang hakbang, isinusulong din ng LGU ang pagtatayo ng isang Class AA slaughterhouse upang mapalakas ang industriya ng pagbaboy at matiyak na ligtas at de-kalidad ang karne na nagmumula sa bayan.
Ayon kay Ramos, mahalaga ang pagkakaroon ng naturang pasilidad upang matiyak na dumaraan sa wastong proseso ng pagkatay at inspeksiyon ang mga hayop bago maipagbili ang kanilang karne.
Sa ilalim ng mga pamantayan ng National Meat Inspection Service (NMIS), kailangang isagawa ang pagkatay sa mga hayop sa mga slaughterhouse na may kaukulang akreditasyon at inspeksiyon upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga mamimili.
Ipinaliwanag din ng alkalde na ang Class AA accreditation ay magbibigay-daan upang maipamahagi ang karne sa mas malawak na merkado, kabilang ang mga pamilihan sa iba't ibang bahagi ng bansa, alinsunod sa mga umiiral na pamantayan at kinakailangang sertipikasyon.
Inaasahan ding makatutulong ang pasilidad sa mas maayos na pagsubaybay sa suplay, kalidad at presyo ng karne sa lokal na pamilihan.
Kasabay nito, hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang mga mamimili, negosyante at iba pang posibleng katuwang na tangkilikin ang mga produktong baboy mula sa Cajidiocan upang makatulong sa lokal na magbababoy at mapanatili ang pag-ikot ng kita sa bayan.
Kabilang ang pagpapaunlad ng pampublikong pamilihan at pagtatayo ng Class AA slaughterhouse sa mga hakbang na isinusulong ng LGU upang palakasin ang lokal na kalakalan at sektor ng agrikultura.


























