Hinimok ng Provincial Health Office (PHO) Romblon ang mga residente na huwag balewalain ang mga sintomas ng dengue at agad magpakonsulta sa pinakamalapit na health center upang maiwasan ang paglala ng sakit.
Sa inilabas na health advisory, pinaalalahanan ng PHO ang publiko na maaaring mapagkamalang simpleng trangkaso ang mga unang sintomas ng dengue, kaya mahalagang maagap na magpakonsulta kapag nakararanas ng lagnat, pantal o pangangati ng balat, pananakit ng katawan, kalamnan at mga mata.
Batay sa pinakahuling disease surveillance report ng lalawigan para sa Morbidity Weeks 1–43 ng 2026, umabot na sa 672 ang kaso ng dengue sa Romblon, kabilang ang limang nasawi. Naitala naman ang 667 pasyenteng buhay. Pinakamaraming kaso ang naitala sa mga bayan ng San Fernando at Cajidiocan.
Nagbabala rin ang PHO tungkol sa mga sintomas ng malubhang dengue na nangangailangan ng agarang atensiyong medikal. Kabilang dito ang matinding pananakit ng tiyan, paulit-ulit na pagsusuka, pagdurugo ng gilagid o ilong, pagsusuka ng dugo, pagkakaroon ng dugo sa dumi, at matinding panghihina.
Binigyang-diin sa advisory na maaaring lumitaw ang mga babalang sintomas ng malubhang dengue kahit humupa na ang lagnat. Dahil dito, hindi dapat ipagpaliban ang pagpapatingin sa doktor kapag may ganitong mga palatandaan.
Ayon sa PHO, maaaring makakuha ng benepisyo mula sa PhilHealth ang mga pasyenteng nangangailangan ng pagpapaospital dahil sa dengue, alinsunod sa umiiral na mga patakaran at kwalipikasyon ng programa.
Kasabay nito, hinikayat ang mga residente na panatilihing malinis ang kanilang kapaligiran at alisin ang mga naipong tubig na maaaring pamugaran ng lamok na nagdadala ng dengue virus.
Mahalaga rin ang pakikilahok ng bawat pamilya at komunidad sa pagpuksa sa mga pinamumugaran ng lamok upang maiwasan ang patuloy na pagtaas ng kaso sa lalawigan.


























