Isinasagawa na ng lokal na pamahalaan ng Cajidiocan ang pagsasaayos at pagpapaunlad ng bagong pampublikong palengke ng bayan upang mapabuti ang pasilidad para sa mga nagtitinda at mamimili at higit pang mapalakas ang lokal na kalakalan dito.
Sa Kapihan sa PIA Romblon, ibinahagi ni Cajidiocan Mayor Marvin Ramos na kabilang sa mga planong pagbabago ang pagpapalawak ng pasilidad at pagpapatupad ng one-entry, one-exit system upang maging mas maayos ang daloy ng mga tao at aktibidad sa pamilihan.
Ibinahagi ni Ramos na pinondohan ang pagsasaayos sa palengke gamit ang Local Government Support Fund mula kay Pangulong Bongbong Marcos at ang karagdagang pondo naman mula sa pondo ng lokal na pamahalaan.
Ipinaliwanag ng alkalde na kinakailangan nang i-upgrade ang dating palengke dahil gumagamit pa ito ng lumang konsepto at disenyo na hindi na angkop sa mga pangangailangan ng kasalukuyang operasyon.
Bukod sa pagsasaayos ng pasilidad, pinag-aaralan din ng lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng mga regulasyong magbibigay-prayoridad sa mga lokal na produkto upang matiyak na maibebenta muna ang mga ito sa sariling pamilihan bago dalhin sa ibang bayan.
Ayon kay Ramos, malaking bahagi ng mga produktong ibinebenta sa mga karatig-bayan ay nagmumula rin sa Cajidiocan, ngunit hindi sapat na napakikinabangan ng lokal na pamilihan ang mga produktong ito.
“Napakasaklap ng katotohanan, kalimitan yung mga taga-Cajidiocan ay pumupunta ng Magdiwang sa market day para bilhin yung mga produkto. Yung produkto ng Cajidiocan sa Magdiwang binibenta,” ani Ramos.
Sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng palengke, hangad ng lokal na pamahalaan na mapalakas ang lokal na bentahan at mabigyan ng mas maraming oportunidad ang mga magsasaka, nagtitinda at maliliit na negosyante na maipagbili ang kanilang mga produkto sa sariling bayan.
Inaasahang matatapos ang konstruksyon ng bagong palengke sa susunod na mga buwan.


























