Umabot sa 110 bagong pisa na endangered Hawksbill sea turtle o pawikan ang matagumpay na naibalik sa kanilang likas na tirahan sa karagatan ng Barangay Agpanabat, Romblon, Romblon noong November 10.
Pinangunahan ng Pamamalakaya At Wastong Ingat sa Karagatan ng Agpanabat na Nagkakaisa o PAWIKAN Association at mga opisyal ng Barangay Agpanabat ang pagpapakawala sa mga hatchling bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na mapangalagaan ang mga pawikan na kabilang sa mga nanganganib na uri ng hayop.
Ayon kay Rose Romblon, presidente ng Pawikan Association, kilala ang Barangay Agpanabat bilang isang turtle nesting site dahil taon-taon itong pinangingitlugan ng mga pawikan. Mula Enero ngayong taon, tinatayang tatlo hanggang apat na pawikan na ang naitalang nangingitlog sa lugar.
Ibinahagi ni Romblon na matapos mangitlog ang mga pawikan, nilalagyan ng bakod at iba pang proteksiyon ang kanilang mga pugad upang maiwasan ang pagkasira o pagkagambala sa mga itlog.
Matapos ang humigit-kumulang 60 araw, napisa ang mga itlog at inihanda ang mga bagong pisa na pawikan para sa ligtas na pagpapakawala sa dagat.
Pangunahing layunin ng asosasyon na mabantayan ang mga pawikang nangingitlog sa lugar at maprotektahan ang kanilang mga pugad hanggang sa mapisa ang mga itlog.


























