Malugod na tinanggap ni Cajidiocan Mayor Marvin Ramos ang planong direktang pagpapalabas ng Local Government Support Fund (LGSF) sa mga lokal na pamahalaan, na aniya’y magpapabilis sa implementasyon ng mga proyekto sa kanilang bayan.
Bagama’t wala pa aniyang opisyal na komunikasyon kung magkano ang eksaktong matatanggap ng Cajidiocan, sinabi ng alkalde na positibo ang epekto ng naturang hakbang para sa kanilang LGU.
“Wala pang communication kung magkano ba [iyong ibibigay], pero definitely this is very welcoming sa aming mga LGUs lalo na sa bayan ko dahil direkta naming matatanggap ang tulong ng national government na hindi na dadaan sa ibang ahensya,” pahayag ni Ramos.
Ayon sa kanya, sa pamamagitan ng direktang paglalabas ng pondo, mas mapapabilis ang implementasyon ng mga proyekto at magkakaroon ng mas malawak na pagkakataon ang lokal na pamahalaan na tukuyin ang mga prayoridad na programa batay sa aktuwal na pangangailangan ng kanilang komunidad.
“Mas mapapabilis ‘yung pag implement at talagang mabibigyan kami ng lee-way na makapag-identify ng mga projects namin na talagang kinakailangan,” dagdag pa niya.
Nagpasalamat din si Ramos sa pambansang pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at sinabing maraming lokal na pamahalaan ang naghihintay ng ganitong uri ng suporta.
“Ito ay magandang development sapagkat direkta nga naming natanggap yung pondo mula sa national government at kami personally ang mag-iidentify ng paglalagyan base sa kailangan namin,” ani Ramos.
Ayon pa sa alkalde, mahalaga ang pagtitiwala ng national government sa mga LGU bilang katuwang sa pagpapaunlad ng mga bayan. Aniya, kung sabay-sabay na uunlad ang mga lokal na pamahalaan, mararamdaman din ito sa pambansang ekonomiya.
Ang LGSF ay bahagi ng programa ng pambansang pamahalaan na naglalayong pondohan ang mga kritikal na proyektong pang-imprastruktura at iba pang prayoridad na programa ng mga lokal na pamahalaan upang mapalakas ang serbisyo at pag-unlad sa mga komunidad.


































