Inaasahang makararanas ng pag-uulan ang lalawigan ng Romblon sa darating na weekend dahil sa epekto ng Bagyong Basyang, ayon sa pinakahuling Weather Advisory ng PAGASA na inilabas alas-11 ng umaga nitong February 4.
Batay sa heavy rainfall outlook, kabilang ang Romblon sa mga lugar na posibleng makaranas ng 50 hanggang 100 millimeters na ulan mula Biyernes ng tanghali hanggang Sabado ng tanghali (Pebrero 7). Posibleng mas mataas pa ang dami ng ulan sa mga bulubundukin at matataas na lugar, lalo na kung may nauna nang pag-ulan.
Dahil dito, binalaan ang publiko sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa, partikular sa mga low-lying at landslide-prone areas sa probinsya.
Sa ulat ng PAGASA, nananatili ang lakas ng Basyang habang kumikilos ito pa-timog-kanluran sa silangan ng Mindanao. Kaninang alas-10 ng umaga, tinatayang nasa 735 kilometro silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur ang sentro ng bagyo, na may maximum sustained winds na 55 km/h at bugso na aabot sa 70 km/h.
Kumikilos ito sa bilis na 15 km/h at may lawak ng malalakas na hangin na umaabot hanggang 250 kilometro mula sa sentro.
Pinapayuhan ng PAGASA ang publiko na patuloy na magmonitor ng mga opisyal na abiso at weather bulletin ng kanilang ahensya.


































