Nagsagawa ng onsite birth certificate at National ID (PhilSys) registration ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Odiongan District Jail para sa 18 persons deprived of liberty (PDLs) noong Enero 27, sa pakikipagtulungan ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon sa BJMP, layon ng aktibidad na matulungan ang mga PDL na makakuha ng mga pangunahing dokumento tulad ng birth certificate at Philippine Identification System (PhilSys) ID, na mahalaga sa pag-access ng iba’t ibang serbisyong panlipunan at legal na transaksyon.
Sinabi ni Jail Officer 3 Joefrie Anglo, tagapagsalita ng BJMP MIMAROPA, na ang pagkakaroon ng wastong dokumento ay makatutulong sa mga PDL sa kanilang muling pagbabalik sa komunidad matapos ang kanilang pagkakakulong.
Isa sa mga benepisyaryo, na kinilalang si alyas “Ramon,” 58 taong gulang, ay nagpahayag na malaking tulong ang aktibidad para sa kanilang kinabukasan, lalo na sa pagproseso ng mga kinakailangang papeles kapag sila ay nakalaya na.
Samantala, sinabi ni Acting District Jail Warden Senior Inspector Dante Montilla na mahalaga ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang maihatid ang mga serbisyong tulad nito sa loob ng mga pasilidad ng kulungan.
Ang naturang aktibidad ay bahagi ng patuloy na programa ng pamahalaan sa pagpapalawak ng civil registration at pagpapatupad ng Philippine Identification System, upang matiyak na maging ang mga persons deprived of liberty ay may access sa mga pangunahing serbisyong kinakailangan. (PR)





































Discussion about this post