Hindi na umabot ng buhay sa Romblon Provincial Hospital ang isang estudyante habang sugatan naman ang driver nito matapos masangkot sa isang aksidente sa Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon noong madaling araw ng Biyernes, Enero 16.
Batay sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, bandang alas-2:30 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng national road ng nasabing barangay.
Sa paunang ulat, minamaneho umano ng isang 20-anyos na lalaki ang isang motorsiklo nang bigla itong pumasok sa kabilang linya at masagi ang isang nakaparadang motorsiklo sa gilid ng kalsada.
Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang driver at ang kanyang angkas.
Nagtamo ng minor na sugat ang driver habang malubhang pinsala sa ulo naman ang tinamo ng backride na isang estudyante.
Agad silang isinugod ng mga rumespondeng tauhan ng MDRRMO sa Romblon Provincial Hospital subalit idineklarang dead on arrival ang angkas.
Sa ulat ng pulisya, hinihinalang nakainum ang driver ng sasakyan at wala rin umanong lisensya.
Matapos magpagamot, inaresto ang driver at kasalukuyang nasa kustodiya ng Odiongan MPS. Inihahanda na ang mga kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide at Multiple Damage to Property laban sa kanya.





























