May kabuuang 3,950 rehistradong benepisyaryo ang saklaw ng ikalawang round ng rice assistance program ng lokal na pamahalaan ng San Jose, Romblon, na pinondohan sa pamamagitan ng ₱5 milyong Local Government Support Fund (LGSF) ng pambansang pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ang bilang ay batas sa listahan na pinalabas ng lokal na pamahalaan.
Bawat benepisyaryo ay nakatakdang makatanggap ng tig-limang kilo ng bigas bilang bahagi ng programa.
Batay sa impormasyon mula sa lokal na pamahalaan, naipamahagi na ang bigas sa ilang barangay noong nakaraang Biyernes, habang ipinagpatuloy ngayong Lunes ang distribusyon sa natitirang dalawang barangay upang makumpleto ang pamamahagi sa limang barangay ng bayan.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Mayor Ronnie Samson sa pambansang pamahalaan at kay Pangulong Marcos sa pondong inilaan para sa rice assistance program na naglalayong makatulong sa mga rehistradong benepisyaryo sa San Jose.
Ang ₱5 milyong pondo sa ilalim ng LGSF ay ginamit sa pagbili ng bigas na ipamamahagi sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng programa.


























