Muling nagkampeon ang Gilas Pilipinas sa men’s basketball matapos nitong talunin ang host nation na Thailand sa finals ng 33rd Southeast Asian Games na ginanap sa Bangkok, Thailand mula December 9–20, 2025. Nagtapos ang laban sa iskor na 70–64, na nagbigay sa Pilipinas ng isa pang gintong medalya sa SEA Games basketball.
Sa finals, maagang nakalamang ang Thailand at tinapos ang unang quarter sa iskor na 22–17. Ipinagpatuloy ng Thais ang kanilang opensa sa ikalawang quarter sa pamamagitan ng sunod-sunod na penetration, dahilan upang umabot sa 13 puntos ang kanilang lamang bago natapos ang first half sa iskor na 38–29 pabor sa Thailand.
Pagpasok ng ikatlong quarter, nagsimulang makabawi ang Gilas Pilipinas matapos magpakawala ng 13–0 run na nagbigay sa kanila ng momentum. Tinapos ng Pilipinas ang ikatlong yugto na may 52–48 na bentahe. Sa fourth quarter, nakuha ng Gilas ang kontrol ng laro at nakalamang hanggang 67–55 bago muling nakadikit ang Thailand. Gayunman, sa tulong ng pinagsanib na opensa nina Jaime Malonzo, Matthew Wright, Robert Bolick at Bobby Ray Parks, naisara ng Gilas ang laro at nakuha ang kampeonato. Naging salik din sa pagkatalo ng Thailand ang limitadong outside shooting at ang hindi pagpasok ng ilang free throw sa second half.
Bago umabot sa finals, tinalo ng Gilas Pilipinas ang Malaysia at Vietnam sa preliminary round at ang Indonesia sa semifinals.
Ang koponang ito ng Gilas ay binubuo ng mga manlalarong sina Robert Bolick, Thirdy Ravena, Bobby Ray Parks, Dalph Panopio, Matthew Wright, Von Pessumal, Justin Chua, Abu Tratter, Jaime Malonzo, Veejay Pre, Poy Erram, at ang pinakabatang miyembro ng koponan na si 6’5” Cedrick Manzano, isang tubong Sibuyan, Romblon mula sa Adamson University. Pinangunahan ang koponan ni head coach Norman Black.
Nakapag-ambag si Manzano sa torneo sa pamamagitan ng kanyang depensa, rebounding, hustle plays, at pagbibigay ng suporta sa center position. Nakaharap niya ang ilang pangunahing big man ng mga kalabang koponan kabilang sina Chris Dierker ng Vietnam at sina Emmanuel Chinedu Ejesu at Chanatip Jakrawan ng Thailand.
Para kay Manzano, itinuturing ang SEA Games gold medal bilang mahalagang hakbang sa kanyang karera matapos mabigyan ng pagkakataong makalaro sa international competition. Bago siya, may ilan nang manlalarong mula sa Sibuyan ang nagkaroon ng makabuluhang karera sa Philippine basketball, kabilang sina Oscar “Biboy” Rotoni Simon at Jansen Rios.
Sa kasaysayan ng SEA Games basketball, hindi nagkampeon ang Pilipinas noong 1979 at 1989, habang mula 1991 hanggang 2003 ay sunod-sunod nitong nakuha ang gintong medalya. Noong 2005, walang basketball event dahil sa FIBA suspension, at noong 2009 naman ay hindi naisama ang basketball sa SEA Games sa Laos. Mula 2011 hanggang 2019 ay muling nagkampeon ang Pilipinas bago mabigo noong 2021 sa Hanoi. Noong 2023 sa Cambodia, naibalik ng bansa ang titulo, at ang panalo noong 2025 ay nagbigay sa Pilipinas ng ika-20 gintong medalya sa SEA Games men’s basketball.
Kasabay ng panalo ng men’s team, nagkampeon din ang Gilas Pilipinas Women’s Team sa kanilang dibisyon. Sa kabuuang medal tally ng SEA Games 2025, nagtapos ang Pilipinas sa ika-6 na puwesto na may 50 gold, 73 silver at 154 bronze medals. Nanguna naman ang host country na Thailand sa overall standings.




































