Inihayag mismo ni Manny Pacquiao na patuloy ang negosasyon sa pagitan ng kanyang kampo at ng kasalukuyang WBA Welterweight World Champion na si Rolly Romero para sa inaasahang title fight.
Ang pahayag na ito ay ginawa ni Pacquiao sa isang press conference bilang bahagi ng paggunita sa ika-50 anibersaryo ng makasaysayang “Thrilla in Manila” fight nina Muhammad Ali at Joe Frazier na ginanap sa bansa noong 1975.
Huling lumaban si Pacquiao noong Hulyo 2025 laban kay WBC Welterweight World Champion Mario Barrios, kung saan nagtapos ang laban sa majority draw. Bagamat may verbal agreement na noon para sa rematch ng Pacquiao–Barrios bout, nabaling ang atensyon ng kampo ni Pacquiao sa posibilidad ng laban kay Romero.
Ayon sa long-time adviser ni Pacquiao na si Sean Gibbons, mas magiging kapana-panabik para sa mga fans ang posibleng laban kontra kay Romero kaysa sa rematch kay Barrios. Sa kasalukuyan, hawak ni Pacquiao ang professional record na 62 wins, 8 losses, 3 draws (39 KOs).
Kung matutuloy ang laban at magwagi si Pacquiao, siya ang magiging ikalawang pinakamatandang world champion sa kasaysayan ng boxing sa edad na 47, kasunod ni Bernard Hopkins na nakamit ang kampeonato sa edad na 49.
Samantala, ang American champion na si Rolly Romero, 29 taong gulang, ay may record na 17 wins, 2 losses (13 KOs). Huli siyang lumaban noong Mayo 2025 laban kay Ryan Garcia, kung saan nakuha niya ang WBA Welterweight Title. Ang kanyang dalawang talo ay parehong sa mga title fights—una kay Gervonta “Tank” Davis para sa WBA Lightweight Title, at kay Isaac Cruz para sa WBA Super Lightweight Title.
Ayon kay Romero, isang karangalan ang posibilidad na makaharap si Pacquiao—ang tanging 8-division world champion sa kasaysayan ng boxing. Aniya, kung magtatagumpay siya sa laban, maaari itong magbukas ng mas malalaking oportunidad at mas mabibigat na laban sa hinaharap.
Tinitingnan ng kampo ni Pacquiao na posibleng ganapin ang laban sa pagitan ng Enero o Pebrero 2026. Isa pang opsyon na pinag-aaralan ng kampo ay ang posibleng laban kontra sa undefeated American champion Gervonta “Tank” Davis.



































