Dalawang marathoner mula Romblon ang nakatakdang lumahok sa Milo 21K Marathon 2025 na gaganapin sa Agosto 10, 2025 sa Calapan, Mindoro. Ang karerang ito ay bahagi ng serye ng mga elimination legs ng Milo Marathon kung saan ang mga kwalipikado ay makakapasok sa National Finals na nakatakdang isagawa sa Iloilo City sa Disyembre 2025.
Ang mga kalahok mula Romblon ay sina Melvin Lazaro, 23 taong gulang mula Brgy. Panique, Odiongan, Romblon, at Jose Fabito Jr., 31 taong gulang mula Brgy. Li-o, Romblon, Romblon.
Si Melvin Lazaro ay nagtapos ng Bachelor of Science in Agriculture sa Romblon State University at dating student-athlete ng paaralan. Napabilang siya sa mga prestihiyosong kumpetisyon tulad ng SCUAA Nationals na ginanap sa Tarlac noong 2023. Noong 2024, lumahok siya sa Milo Marathon 10K sa Cavite at nagtapos bilang isa sa top 10 finishers. Para sa kanyang paglahok ngayong taon sa 42K category, layunin ni Lazaro na mapabuti pa ang kanyang naging performance.
Si Jose Fabito Jr. naman ay anak nina Jose Mabunga Fabito Sr. mula Cabolotan, San Agustin at Alicia Madrona Roxas Fabito mula Romblon, Romblon. Nagtapos siya ng elementarya at sekondarya sa Romblon at naging student-athlete rin. Pagkatapos ng pag-aaral, kumuha siya ng special course sa TESDA at kalaunan ay naging miyembro ng Philippine Army. Nagsimula siyang sumali sa mga marathon events noong 2022. Kabilang sa kanyang mga naging karangalan ang pagiging record holder ng The Bull Runner, pagiging overall winner ng 2024 Runcaster Ultra Marathon, at podium finishes sa mga karera sa Nueva Ecija at Baguio City. Nakalahok na rin siya sa mga international competitions sa Malaysia at Taipei, at muling lalahok sa Taipei sa Disyembre 2025.
Inaasahan na mahigit 3,000 runners mula sa Pilipinas at ibang bansa ang sasali sa Milo Marathon ngayong taon.




































