Dahil sa patuloy na isyu ng umano’y maanomalyang flood control projects, isang pagtitipon ang isinagawa sa bayan ng Romblon nitong September 21, 2025, bilang pagtutol sa matinding korupsyon sa gobyerno.
Kasabay din ito ng paggunita sa ika-53 anibersaryo ng Martial Law na idineklara noong 1972 sa ilalim ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Nilahukan ang protesta ng iba’t ibang sektor gaya ng mga non-government organizations (NGOs), Simbahang Katoliko, mga negosyante, kawani ng lokal na pamahalaan, mangangalakal, drivers’ associations, mga mangingisda, at iba pang residente ng bayan.
Sa kabila ng masungit na panahon dulot ng malakas na ulan at hangin, hindi natinag ang mga Romblomanon sa kanilang paninindigan na maiparating ang kanilang hinaing laban sa katiwalian.
Nakaantabay rin ang health at rescue personnel upang agad rumesponde sakaling magkaroon ng hindi inaasahang pangyayari.
Tinatayang nasa mahigit 100 katao ang lumahok sa protesta, na sabay-sabay na nagsisigaw ng panawagan: “Sigaw ng Bayan, Korupsyon Wakasán! Mga Romblomanon, ayaw sa korap!”


































