Naghahanda ang lokal na pamahalaan ng Cajidiocan ng mga kagamitan, teknolohiya at livelihood assistance upang matulungan ang mga magsasaka na mapagaan ang posibleng epekto ng Very Strong El Niño sa kanilang mga pananim at kabuhayan.
Ayon kay Mayor Marvin “Greggy” Ramos, pinag-aaralan ng munisipalidad ang mga angkop na interbensyon upang matulungan ang mga magsasaka na maipagpatuloy ang kanilang produksyon sa kabila ng inaasahang matinding init at kakulangan ng ulan.
Kabilang sa mga inihahandang hakbang ang pagbibigay ng mga kagamitang pang-agrikultura at teknolohiyang makatutulong sa pag-angkop sa tuyong kondisyon ng panahon, gayundin ang mga alternatibong pagkakakitaan para sa mga posibleng maapektuhan ang ani.
Naghahanda rin ang LGU ng kaukulang tulong upang masuportahan ang mga magsasakang maaaring mawalan o mabawasan ng kita dahil sa pinsala sa kanilang pananim at produksyon.
Binigyang-diin ni Ramos na mahalagang konsultahin ang mga magsasaka sa pagbuo ng mga programa upang matukoy ang kanilang aktuwal na pangangailangan at ang mga problemang maaari nilang kaharapin.
Aniya, sa mga pagpupulong ay direktang tinatanong niya ang mga magsasaka tungkol sa kanilang mga suliranin, inaasahang epekto ng El Niño at mga uri ng tulong na higit nilang kailangan.
Naniniwala ang alkalde na mas magiging kapaki-pakinabang ang mga interbensyon kung ibabatay ang mga ito sa mga mungkahi ng mismong mga magsasaka na higit na nakauunawa sa kalagayan ng kanilang mga sakahan.
Dagdag pa niya, mahalagang magkaroon ng konsultasyon at partisipasyon ng mga benepisyaryo upang matiyak na ang mga programang ipatutupad ay tutugon sa kanilang pangangailangan at hindi masasayang ang pondo at panahon ng pamahalaan.


























